Tuesday, June 27, 2006

Bakit laging fully booked ang mga hotel lalo na ang mga motel tuwing Valentines Day?

Sumalangit nawa, pero sayang at yumao na ang kagalang galang na si Ernie Baron (habang buhay kong maaalala ang barong na may biyak sa likod) dahil kung buhay pa sya eh tiyak na masasagot nya ang tanong kong ito, with matching scientific explanation pa!

Maiba ako, bakit nga ba ang hirap magpa reserve ng room sa mga hotel, lalo na sa mga motel tuwing malapit na ang Valentines Day?

Bakit nga ba?

May theory ako.

Noong unang panahon, nung nauso na ang Valentines Day, ay abalang-abala si Kupido sa pagpana ng mga lalaki at babae na sadyang nararapat na magmahalan. Abalang abala rin sya sa pagpana ng mga magkaaway na kailangang kailangan ng pagmamahalan.

Di naglaon, naubusan ng pana si Kupido. Pagod na pagod na rin sya, hindi na nya kaya pang bumalik sa langit dahil sa hindi na nya kayang lumipad. Pinagpasyahan nyang magpahinga sa isa sa mga bahay sa bayan. Madali sana syang makakapasok sa mga bahay, ngunit dahil nauubusan na sya ng kapangyarihan, naging mortal si Kupido. Di naglaon, isa-isa nyang kinakatok ang mga bahay, ngunit walang nagpapapasok sa kanya. Pawang may mga masasamang puso ang napupuntahan nyang may-ari ng bahay.

Biglang may tumapik sa likuran ni Kupido. Isang magandang babae ang humarap kay Kupido. "Kawawa ka naman. Mukhang hinang-hina ka na. Pagod na pagod. Halika at sumama ka sa bahay namin.", anyaya ng babaeng hindi man lang tinanong kung ano ang pangalan ng nakasalubong na si Kupido. Tila ba hindi na mahalaga kung sino sya o ano sya. Mas pumasok sa isip ng babae na kailangang kailangan ng tulong ng batang si Kupido.

Nang nakarating sila sa bahay ng babae, sinalubong sya nito ng kanyang asawa. Malugod na tinanggap ng mag-asawang nakilala ni Kupido bilang sina Henry at Mary Othel. "...ngunit, wala po akong maibabayad sa inyo...", mahinang sabi ni Kupido. "Hayaan mo na yun. Sige na at magpahinga ka na.", sabi ni Henry. Lubos na ikinatuwa ito ni Kupido.

Kinabukasan, masigla na ulit si Kupido. Nagpaalam sya sa mag-asawa. "Mag-iingat ka iho. Ano nga ba ang pangalan mo?", tanong ni Mary. "Ako po si Kupido. Tungkulin ko ang ikalat sa mundo ang pagmamahal. Sa naranasan ko kahapon, mukhang punong puno kayo ng pagmamahal, di lamang sa isa't isa, kundi na rin sa inyong kapwa. Balang araw, tuwing sasapit ang araw ng mga puso, laging maaalala ang kabutihang ginawa ninyo sa alagad ng pag-ibig."

Simula noon, ginugunita ng mga magsing-irog ang araw ng mga puso sa pamamagitan ng pagpunta sa mga bahay tirahan. Di naglaon, ang bahay tirahan ay nakilala bilang Hotel at Motel. Ito ang magpapaalala sa atin na minsan ay may mag-asawang handang ipinagamit ang kanilang kwarto sa taong hindi naman nila kilala upang ito ay tulungan.

At yan ang istorya kung bakit laging puno ang mga Hotel at Motel tuwing Valentines Day...

Sana ay may napulot kayong mabuting aral mula sa istoryang ito.

No comments: